WATCH: Mga barong-barong na itinayo sa kahabaan ng Road 10, pinagbabaklas ng DPWH
Nagsagawa ng clearing operations ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kahabaan ng Road 10 sa Tondo, Maynila.
Maliban sa mga sirang sasakyan, kalat, at iba pang mga bagay na nakahambalang sa kalsada, giniba, winasak din ang mga barong-barong na itinayo ng mga residente sa mismong kalsada ng Road 10.
Hindi bababa sa limang barong-barong na gawa lang sa pinagtagpi-tagpi na mga kahoy at tolda.
Tatlong truck ng DPWH ang napuno ng mga nakahambalang na straktura na winasak sa ginawang operasyon.
Umalma naman ang mga apektadong residente at sinabing walang alok na relokasyon sa kanila.
Pero ayon kay Engr. Jose Lucenario ng DPWH, kausap na nila ang kapitan ng barangay sa lugar at ito ang tumulong para matukoy kung sino-sinong residente lamang ang karapat-dapat na mapagkalooban ng relokasyon.
Ang iba kasi aniya sa mga residente ay sasaglit pa lamang sa lugar at katatayo lamang ng kanilang barong-barong kaya hindi sila qualified na sa relocation.
Tiniyak naman ng DPWH na inihanda na ng National Housing Authority (NHA) ang relocation para sa mga qualified na pamilya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.