Death penalty batayan sa pag-alis ng mga LP Congressmen sa supermajority
Ang death penaty bill ay isa sa pangunahing napag-usapan sa katatapos na caucus ng mga miyembro ng Liberal Party o LP.
Sa naturang caucus, dumalo ang matataas na lider ng LP tulad nina dating Pangulong Noynoy Aquino, Vice President Leni Robredo, mga senador at kongresista.
Ayon kay Senator Kiko Pangilinan, ipinagpaliban muna ang pagpapasya kung mananatili ba o hindi na ang mga kongresistang kasama sa supermajority, matapos ang rigodon sa Senado.
Pero hinihiling ng liderato ng LP sa mga miyembro ng partido na bumotong ‘no’ o tutol sa death penalty bill.
Ito aniya ang posisyon ng LP na nauna nang inilabas noong mga nakalipas na araw.
Sa kabila nito, sinabi ni Pangilinan na kung may mga miyembro sila na gustong sumuporta sa death penalty bill base sa kanilang paninindigan ay hahayaan nilang umiral ang conscience vote.
Binibigyan din umano ng LP ang mga kapartido ng mahaba-habang panahon upang mas mapag-aralan ang kontrobersyal na panukala.
Agad namang nilinaw ni Pangilinan na nagkataon lamang na may nakatakdang pulong sila ngayong araw matapos ang naganap na rigodon sa Senado kung saan nasipa sa mga posisyon ang ilang LP senators.
Sa hiwalay na press conference, sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman na pagkatapos ng botohan sa death penalty bill sa Kamara bukas ay saka bubuo ng solidong posisyon ang LP.
Bukas itinakda ang botohan sa plenaryo ng Kamara para sa death penalty bill matapos maudlot dahil sa pagpapalabnaw ng nilalaman ng panukala.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.