2 miyembro ng NPA, patay sa engkwentro sa Batangas
Patay ang dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos maka-engkwentro ang tropa ng militar alas 3:00 ng madaling araw ng Lunes, February 27, sa Barangay Lumañag, Lian, Batangas.
Ayon kay Major General Roderick Parayno, commander ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army, nakasagupa ng tropa ng militar ang tinatayang nasa labinlimang armadong mga rebelde.
Nakatanggap umano ng reklamo ang militar hinggil sa isinasagawang extortion activities ng mga rebelde na nagbanta muling susunugin ang bahagi ng Pico De Loro Resort na nasa boundary ng Nasugbu at Lian.
Tumagal umano nang 15-minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng mga rebelde at mga sundalo na nagresulta ng pagkamatay ng dalawang lalaking miyembro ng NPA.
Wala namang nasugatan sa tropa ng gobyerno.
Ang operasyon ay isinagawa ng isang team sa pamumuno ni Staff Sergeant Ocampo ng 730th Command Group, Special Operations Wing (SPOW) ng Philippine Air Force.
Nakuha sa lugar ang tatlong matataas na kalibre ng armas partikular ang isang M16, isang M14 at isang garand rifle.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.