Epekto ng transport strike ramdam na, pamahalaan magbibigay ng libreng sakay sa maghapon
Ramdam na sa ilang lugar sa Metro Manila ang epekto ng tigil-pasada ngayong araw.
Alas 6:00 ng umaga pormal na nagsimula ang transport strike ng grupong PISTON at iba pang transport group na tutol sa phase out ng mga sasakyan.
Sa Pasong Tamo, Makati City; Monumento, Caloocan; Elliptical Road sa Quezon City; Taft Avenue sa Maynila; at sa Alabang Viaduct unang naramdaman ng mga pasahero ang epekto ng strike dahil maaga pa lamang ay halos wala nang bumibiyaheng pampasaherong jeep.
Sa Monumento Circle sa Caloocan, maagang nagdeploy ng sampung truck ang Philippine Coast Guard (PCG) para magbigay ng libreng sakay sa mga maaapektuhang pasahero.
Ang National Capital Region Police Office (NCRPO) nagdeploy ng mga tauhan sa Monumento at iba pang apektadong lugar para hulihin ang mga miyembro ng transport group na mamimilit o manghaharass sa mga tsuper na nais ipagpatuloy ang kanilang pagbiyahe.
Tiniyak naman ng Department of Transportation (DOTr) na maghapon na magbibigay ng libreng sakay ang pamahalaan para sa apektado ng tigil-pasada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.