Walang problema sa mga obispo ang posibleng paggamit ng marijuana kung ito ay gagamitin sa pagpapagaling ng mga may malalang sakit o kung Ito ay para sa medical purposes only.
Sa kabila nito, iginiit pa rin ni Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) president Archbishop Socrates Villegas na “morally irresponsible” ang paggamit ng cannabis o kahit na ano pang narcotic o psychotropic drugs nang walang kaukulang pahintulot o reseta mula sa doktor.
Dagdag pa niya, bagaman suportado ng CBCP ang pagiging legal ng medical marijuana sa Pilipinas, mali pa rin na gamitin ito para lamang sa libangan.
Samantala, tutol naman ang mga miyembro ng Philippine Medical Association sa pagsasabatas ng bill na ito dahil sa kakulangan anila ng sapat na pananaliksik kung ang paggamit ba talaga ng marijuana ay makakatulong sa mga terminally ill na pasyente.
Inakusahan naman ni Isabela Rep. Rodrigo Albano III ang mga doktor na nagpahayag ng oposisyon sa kaniyang House Bill No. 04477, o ang Compassionate Use of Medical Cannabis Act, na pinoprotektahan lamang ng mga doktor ang interes ng mga pharmaceutical companies sa pamamagitan ng pagtanggi sa pagkakaroon ng alternatibong gamot.
Iginiit pa ni Albano na hindi naman nakamamatay ang marijuana at wala pa naman aniyang kasong may namatay sa marijuana overdose.
Para naman kay Dr. Anthony Leachon na dating presidente ng Philippine College of Physicians, hindi naman tutol ang medical community sa mismong paggamit ng cannabis sa mabuting paraan, kundi sa mali at iresponsableng paggamit nito nang walang maayos na regulasyon./Kathleen Betina Aenlle
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.