Panibagong ‘pension scheme’ para sa militar at pulis, pag-aaralan ng administrasyon
Nag-iisip na ng ibang paraan ang pamahalaan upang masustentuhan ang pensyon ng mga pulis at sundalo.
Ipinaliwanag ni Budget Secretary Benjamin Diokno na ‘hindi sustainable’ para sa panig ng gobyerno na kunin taun-taon sa annual budget ang pensyon na ibinibigay sa mga retiradong military at police personnel.
Darating aniya ang panahon na aabot sa 70 porsiyento ng annual budget ng gobyerno ay mapupunta lamang sa pensyon at hindi sa mga nasa aktibong serbisyo.
Itinuturing na rin aniyang ‘fiscal risk’ ng Cabinet-level interagency Development Coordination Committee (DBCC) ang lumulobong pensyon ng mga militar.
Positibo naman aniya ang mga kinatawan ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na muling pag-aralan ang pension system.
Isa aniya sa kanilang naisip ay ang ilipat ang pensyon ng mga pulis sa Government Service Insurance System o GSIS.
Isa pa aniyang paraan ay ang pagtanggap ng mga pribadong manggagawa upang magtrabaho sa mga kampo ng militar sa halip na mga uniformed personnel.
Gayunman, giit ni Diokno na hindi aalisin ang pensyon ng mga retiradong military personnel sa gagawing hakbang na ito ng pamahalaan.
Sa halip, ang mga bagong magreretiro lamang ang maaapektuhan ng planong panibagong pension scheme.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.