PH economic freedom ranking ng Pilipinas, umakyat na sa 58th spot
Mula sa ika-70 na pwesto, umakyat ng 12 ranggo ang Pilipinas sa 58th spot ng 2017 Index of Economic Freedom (IEF) ng The Heritage Foundation.
Sa pahayag na inilabas ng Investor Relations Office (IRO), inaasahang lalo pa itong tataas sa medium term dahil sa 10-point agenda ng administrasyong Duterte.
Target kasi nito ang pagpapababa ng poverty incidence sa 14 percent pagdating ng 2022 mula sa 21.6 percent na naitala noong 2015.
Base sa annual global survey ng The Heritage Foundation na sumasakop sa 186 na mga bansa, umakyat sa 58th spot ang Pilipinas dahil sa 65.6 points na nakuha nito, na 2.5 points na mas mataas kumpara sa nakaraang taon.
Ayon pa sa IRO, nataasan ng score ng Pilipinas ngayong 2017 hindi lang ang global average na 60.9 kundi pati na rin ang 60.4 ng Asia-Pacific.
Sinabi rin anila ng The Heritage Foundation na ang pag-taas ng score at ranking ng Pilipinas ay dahil sa “notable success in fiscal policy, government spending and monetary stability.”
Sinasalamin rin ng nasabing 2017 IEF report ang “solid economic performance” ng bansa sa gitna ng “challenging global economic environment.”
Kapansin-pansin rin base sa report ang “notable economic expansion” ng Pilipinas na dulot ng matatag na export performance ng ekonomiya at pagpasok ng remittances.
Matatandaang lumago rin ng 6.8 percent ang ekonomiya ng bansa noong nakaraang taon na itinuturing na kabilang sa pinakamabilis sa rehiyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.