Mga pulis na mangingikil sa mga gaming operators, sisibakin ayon sa Palasyo
Binalaan ng Malacañang ang mga tiwaling pulis na posibleng gumamit sa kampanya ni Pangulong Duterte laban sa illegal gambling para mangikil sa mga gaming operators.
Matatandaang nainis si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga tiwaling pulis kamakailan matapos masangkot ang ilan sa mga ito sa pagdukot at pagpatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo.
Ginamit kasi ng mga pulis na ito ang kampanya naman ng pamahalaan kontra iligal na droga sa kanilang krimen, na tinaguriang “Tokhang-for-ransom.”
Ayon kay Presidential Communications Sec. Martin Andanar, hindi iaatras ng pangulo ang kaniyang utos sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na paigtinin ang pagsupil sa jueteng at iba pang uri ng iligal na sugal.
Ani pa Andanar, hindi magdadalawang-isip ang pangulo na sibakin at sampahan ng kaso ang mga opisyal ng gobyerno na masasangkot sa katiwalian, lalo na sa mga madadawit sa iligal na droga at sugalan.
Noong nakaraang linggo lang ay pumirma si Pangulong Duterte ng isang executive order na nag-uutos sa mga law enforcement units na paigtingin ang kampanya laban sa illegal gambling.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.