Pinabulaanan ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chair Winston Ginez ang mga akusasyon sa kanilang ahensya na lumikha sila ng proyekto na makikipag-kumpetensya sa mga app-based transportation services tulad ng GrabCar at Uber.
Ani Ginez, walang basehan ang mga alegasyon ng mga netizens na ang kanilang proyektong “Premium Taxi” ay ginawa para talunin ang mga nasabing makabagong sistema ng transportasyon sa bansa, lalo pa’t tila napag-iinitan ng ahensya ang mga nasabing kumpanya.
Nilinaw ni Ginez na ang Premium Taxis ay isa sa mga bagong panukala ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ang pagbubuo ng bagong klasipikasyon na transportation network vehicles o TNV, kasama ng bus rapid transport service at airport buses.
Hindi aniya layunin ng Premium Taxis na talunin ang Uber o GrabCar, bagkus, ito ay ginawa para hamunin o hikayatin ang mga kasalukuyang taxi operators na magbigay ng mas maayos at mas magandang serbisyo sa mga pasahero.
Dagdag pa niya, ang Premium Taxis ay maaaring kumuha ng pasahero sa pamamagitan ng “street pick-ups” tulad ng isang ordinaryong taxi, hindi tulad ng mga TNVs tulad ng GrabCar at Uber na “per-booking” ang pag-tanggap ng pasahero.
Para mabigyan ng prangkisa ang isang operator na magpatakbo ng Premium Taxis, kailangan ay mayroon siyang hindi bababa sa 25 units ng mga bagong sedan na may 2.0 engine displacement.
Samantala, sa kabila ng nalalapit na huling araw ng pagpaparehistro ng mga transportation network companies (TNC) at mga TNVs, nangako ang mga kumpanyang GrabCar at Uber na magagawa nilang makapag-pasa at kumpletuhin ang mga kaukulang dokumento para makasunod sila sa tamang regulasyon ng ahensya./Kathleen Betina Aenlle
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.