Pamangkin ni Presidential Adviser Jesus Dureza, arestado sa drug operations ng PDEA
Nadakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang umano’y pamangkin ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza sa isinagawang anti-illegal drug operations sa Davao City.
Ginawa ang buy-bust operation sa bahay ni John Paul Dureza sa bahagi ng Catalunan Pequeño, Davao City.
Nakuhanan si Dureza at isa pang suspek na si Jose Anthony Huilar ng halos 15-gramo ng shabu.
Ayon sa PDEA, aabot sa P225,000 ang halaga ng mga nakumpiskang droga.
May nakuha rin mula sa dalawang suspek na isang riple at 117 mga bala.
Sinabi ni PDEA Regional Director Adzhar Albani, noon pa ay nasa drug watchlist na nila si John Paul.
Matagal aniyang isinailalim sa surveillance ang suspek kung saan natuklasan nilang may mga sinusuplayan ito na ilang prominenteng pamilya.
Samantala, kinumpirma ni Dureza na pamangkin niya ang naarestong suspek sa isinagawang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Davao City.
Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Dureza na maaga siyang nakatulog kagabi dahil masama pa rin ang kaniyang pakiramdam at siya ay nananatiling nak-sick leave.
At nang siya ay magising ngayong araw, bumungad sa kaniya ang balitang isa sa kaniyang mga pamangkin ang nadakip sa drug buy-bust operation.
Aminado si Dureza na kahiya-hiya ang nangyari dahil malapit na kaanak niya ang nadakip na si John Paul Dureza.
Sa kabila nito, pinapurihan ni Dureza ang mga otoridad sa ginawang pagpapatupad nang walang pinapaburan.
“I slept early last night (still on sick leave but feeling okay) only to wake up early to be informed that one of my nephews was arrested by PDEA for drugs. I am of course embarrassed as he is a close relative. But I commend the authorities for enforcing and applying the law without fear or favor. That’s the way this no-nonsense drive of President Duterte should proceed,” ang pahayag ni Sec. Dureza.
Patunay aniya ito na walang sinisino ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.