Panghuhusga agad ni Aguirre sa report ng Amnesty Int’l, sinita ni VP Robredo
Binatikos ni Vice President Leni Robredo si Justice Sec Vitaliano Aguirre II sa agad na pagbalewala nito sa report ng Amnesty International (AI) tungkol sa anti-drug campaign ng Duterte administration.
Sa report ng AI, sinabi nito na paglabag sa karapatang pantao ang mga pagpatay sa kampanya kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero agad itong sinagot ni Aguirre nang sabihin na hindi bahagi ng “humanity” ang mga drug lords at addicts dahil hindi na maituturing na tao ang mga ito.
Ayon kay Robredo, ang Department of Justice (DOJ) ang nag-iimbestiga sa mga pagpatay at humahabol sa mga salarin at hindi maganda na may judgement na ang kalihim nito.
Pangamba pa ng pangalawang pangulo, paano mabibigyan ng katarungan ang mga biktima gayong may paghuhusga na ang DOJ kahit na wala pa itong ginagawang imbestigasyon.
Naniniwala din si Robredo na seryoso ang mga akusasyon sa report ng AI lalo na ang sinasabing pagbabayad sa mga pulis sa bawat mapapatay na drug personality.
Ayon kay Robredo, kung totoo ang ulat, ibig sabihin nito na state sanctioned ang mga pagpatay.
Gayunman, naniniwala ito na hangga’t walang pormal na imbestigasyon sa mga naging findings ng Amnesty International ay mananatili itong isa lamang akusasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.