Mga nagpapa-“5-6” hinimok na gawing legal ang kanilang negosyo
Pagbibigyan ng pamahalaan ang mga nagpapa-“5-6” o iyong mga iligal na nagpapautang para ayusin ang kanilang mga dokumento at gawing legal ang kanilang operasyon.
Kaugnay nito ay bibigyan ng gobyerno ang mga nagpapa-5-6 ng panahon para ayusin ang kanilang resident status at magparehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Ayon sa Indian Chamber of Commerce Philippines, nasa P2.4 bilyon na ang halaga ng kabuuang operasyon ng sistemang 5-6 ngayon sa bansa, at aabot na rin sa 30,000 ang operators nito.
Ayon naman sa Department of Trade and Industry (DTI), bibigyan nila ng transition period ang mga lending operators para iparehistro ang kanilang negosyo sa SEC.
Isinasailalim na ngayon ng pamahalaan sa reporma ang micro-financing system ng bansa para matigil na ang sistemang 5-6.
Sa loob ng transition period, sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez na dapat ay maitigil na ang 5-6, at ang mga micro-businesses ay maisailalim na sa P3 o ang Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso Program.
Una nang inilunsad ang P3 program sa Tacloba City sa Leyte, San Jose sa Occidental Mindoro, at Alabel sa Sarangani province.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.