WATCH: Mahigit 7,000 residente na kabilang sa nasunugan sa Tondo Maynila, nananatili sa isang sports complex
Patuloy na bumubuhos ang mga tulong sa mga apektadong pamilya sa nasunog na Parola Compound sa Tondo, Maynila.
Sa pinakahuling tala ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Council, aabot sa 1,771 na pamilya o 7,342 na indibidwal ang kasalukuyang namamalagi sa Leonardo B. Fuguso Sports Complex sa lungsod.
Ayon kay Bong Parce, barangay chairman ng Barangay 20 Zone 2 District 1, patuloy ang pagpaparehistro nila sa mga residente ng family card na magsisilbing ticket para makatanggap ng mga donasyon o tulong na ipapadala sa lugar.
Ito rin ang makatutulong sa lokal na pamahalaan upang malaman ang tiyak na bilang ng mga apektadong pamilya.
Bibigyan lang aniya hanggang alas 5:00 mamayang hapon ang mga biktima na makapagparehistro.
Samantala, hinaing ng ilang residente ang hindi magandang amoy, kalat at dumi sa buong pasilidad ng evacuation center lalo na ang palikuran.
Hindi rin anila makatulog nang maayos dahil siksikan na ang mga pamilya sa lugar.
Kaya naman hiling ni Ryan Oquino, makatanggap sana sila ng tulong-pinansiyal at kagamitan mula sa mga may mabubuting-loob upang muling makapagsimula.
Samantala, may ilang pamilya ring piniling manatili at nakahilera na lang sa labas ng naturang compound kasama ang mga kaanak at ilang kagamitang naisalba nila mula sa nasunog na bahay.
Kaniya-kaniyang hanap, pukpok, lagare at buhat ng mga bakal at yero na pwede nilang ibenta sa junk shop upang magkaroon ng mapagkakakitaan ang mga residente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.