NPA, dapat matakot sa deklarasyong all-out war
Kasunod ng pahayag ng National Democratic Front (NDF) na sanay na sila sa pagdedeklara ng all-out war ng pamahalaan laban sa CPP-NPA, sinabi naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na dapat ikatakot ng rebeldeng grupo ang deklarasyong ito ng Duterte administration.
Ayon kay AFP, public affairs office chief, Col. Edgard Arevalo, ang mga mamamayan ay walang dapat na ikabahala sa all-out war declaration at sa halip ay ang mga miyembro ng NPA ang dapat na matakot.
“Ang ating mga sibiliyan ay walang dapat ipag-alala sa all-out war declaration, ang dapat na matakot dito ay ang NPA,” sinabi ni Arevalo.
Sinabi ni Arevalo na dahil sa deklarasyong ito ng pamahalaan, lahat ng resources ng AFP ay gagamitin para malupig ang NPA.
Itatalaga aniya ang elite units ng Army, Navy, Marines at Air Force at gagamitin ang mga pasilidad gaya ng mga barko, armored assets at mga eroplano sa mga operasyon.
Sa pinakahuling datos ng AFP, nasa 3,700 ang pwersa ng NPA.
Sesentruhan ng operasyon ng militar ang Northeastern Mindanao kung saan pinaka-aktibo ang operasyon ng komunistang grupo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.