Pagbuo ng truth commission para sa Mamasapano incident, hindi na itutuloy
Nagdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na huwag na lang ituloy ang pagbuo ng isang komisyon na aalam sa katotohanan sa likod ng naging madugong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 na Special Action Force (SAF) commandos noong 2015.
Ayon kay Duterte, hindi na niya ito itutuloy dahil mayroon nang nakabinbing kaso ngayon sa Office of the Ombudsman.
Ayaw naman aniya ng pangulo na magkaroon ng maraming hindi pagkakatugma sa imbestigasyon, kaya hihintayin na lamang niya ang magiging resulta ng imbestigasyon ng Ombdusman.
Matatandaang noong January 24, isang araw bago ang ikalawang anibersaryo ng Mamasapano encounter na nangyari noong January 25, 2015, ay sinabi niyang bubuo siya ng 7-member commission para malaman kung ano ang bumulilyaso sa naturang operasyon ng SAF troopers.
Tahasan rin niyang inakusahan noon si dating Pangulong Benigno Aquino III, ng pagpa-pain o pagdadala sa mga SAF troopers sa “lion’s den” ng mga terorista.
Kinwestyon rin noon ng pangulo kung bakit hindi nagamit ang mga air assets sa kasagsagan ng Mamasapano encounter.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.