200 libo ang komisyon sa kada isang E-Jeep kaya ipinipilit ang phase-out sa mga lumang jeep
Aabot umano sa dalawang daang libong piso kada mabebentang E-Jeep ang tatanggapin at paghahati-hatiang komisyon ng mga nagsusulong sa pag-phase out sa mga luma nang pampasaherong jeep.
Ito ang akusasyon ni Eduardo Pelaez, chairman ng Sta. Ana Transport Group na kasapi din ng Stop and Go Coalition.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Pelaez na maliban sa mga opisyal mula sa Department of Transportation (DOTr) at mga attached agency nito, kasama ring makakahati sa komisyon ang mga opisyal ng iba’t ibang transport sectors.
Kabilang sa binanggit ni Pelaez ang grupong FEJODAP, Pasang Masda, ALDTODAP, LTOP at 1-Utak.
Ang nasabing mga grupo ay hindi lumahok sa inilunsad na nationwide transport strike ngayong araw, dahil ayon sa DOTr, pumayag ang mga ito na makipagdayalogo muna sa pamahalaan hinggil sa planong pag-phase out sa mga lumang jeep.
Sinabi ni Pelaez na sa halagang P800,000 makakabili na sila ng bago at magandang klase na pampasaherong jeep, na ‘di hamak na mas mura kaysa sa isinusulong na E-Jeep ng DOTr na ang halaga ay aabot sa hanggang P1.5 million kada unit.
“Ang E-Jeep na gusto nilang ie-ndorse ay P1,050,000, ipinapasa sa amin kasi ang P1.5 million kasi ‘yung mga ‘transport dealer’, hindi sila transport leader kundi ‘transport dealer’, dahil automatic na papasok sa account nila ang komisyon, walang kamalay-malay ang mga tinulungan nilang makautang, ang mga miyembro nilang binubulag nila sa katotohanan” sinabi ni Pelaez.
Maliban pa dito ang dagdag na gastos para sa mga tsuper kung gagawing E-Jeep ang ipinapasada nilang sasakyan dahil sa pag-charge ng baterya nito at magiging mas mahina o mababawasan pa ang maiuuwi nilang kita.
Aniya, kung kukuha sila ng E-Jeep, huhulugan nila ito ng P900 sa araw-araw, kumpara sa P500 lamang na boundary nila ngayon.
Dagda pa ni Pelaez, hindi tutugma ang disenyo ng E-Jeep sa kanilang ruta, dahil bahain ang Sta. Ana area kaya hindi uubra ang mga de-baterya o de-kuryenteng jeep.
“Konting ulan lang umaabot na hanggang tuhod ang tubig sa dinadaanan naming eh, paano namin maipapasada ang E-Jeep?,”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.