Imbestigasyon sa sunog sa pabrika sa Cavite, sinimulan na
Matapos ang 46 na oras, naapula na nang tuluyan ng mga bumbero ang sunog sa pabrika sa loob ng Cavite Economic Zone sa bayan ng General Trias sa Cavite.
Ganap na 4:15 ng hapon ng Biyernes opisyal na idineklarang fire out ni Senior Supt. Sergio Soriano Jr. ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Calabarzon ang sunog na nagsimula noon pang Miyerkules ng gabi.
Dahil dito, opisyal nang sinimulan ng mga lokal na opisyal at ng mga otoridad ang imbestigasyon sa sunog na tumupok sa tatlong palapag na gusali ng House Technologies Inc. (HTI).
Base sa hawak na talaan ng pamahalaan, kabuuang 126 ang bilang ng mga taong nasugatan dahil sa sunog.
Kinumpirma naman nina Philippine Economic Zone Authority director general Charito Plaza at Cavite Gov. Jesus Crispin Remulla na “all accounted” na ang lahat ng mga empleyado ng HTI, na nangangahulugang wala nang empleyadong naiwan sa loob ng gusali.
Ito ay base na rin sa time in/time out records ng human resources department ng HTI.
Gayunman, hindi naman rin isinasantabi nina Remulla na may posibilidad na may naiwan sa loob kung may mga pumasok para mag-ligtas ng kanilang kasamahan.
Maari na rin anilang pasukin ng mga imbestigador ang natupok ng gusali upang siyasatin kung wala nga talagang naiwan doon, pero umaasa si Plaza na wala namang maitatalang nasawi sa insidente.
Samantala, ayon naman kay Labor Sec. Silvestre Bello III, maari pa ring imbestigahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang insidente kahit walang magaganap na suspensyon sa operasyon ng HTI.
Wala pa namang ibinigay na deadline si Bello sa pagsasagawa ng imbestigasyon at inspeksyon dahil “very volatile” pa aniya ang sitwasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.