Reinvestigation ng DOJ sa Jee Ick Joo slay case, hindi sinipot ni Supt. Rafael Dumlao
Hindi sumipot si Supt Rafael Dumlao III sa unang araw ng reinvestigation ng Department of Justice sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo.
Si Dumlao lang ang natatangi sa walong respondents na kinasuhan ng kidnapping for ransom with homicide na hindi nagpakita sa pagdinig ng DOJ.
Dumalo sa pagdinig ang misis ni Jee na si Choi Kyung-jin, pati ang kasambahay nilang dinukot rin na si Marisa Davis Morquicho.
Ayon sa abogado ni Dumlao na si Atty. Ricardo Moldez II, nasa bisinidad lang ng DOJ building sa Padre Faura Street ang kaniyang kliyente.
Gayunman, pinili aniya talaga nito na hindi dumalo sa pagdinig dahil sa mga kadahilanang pang-seguridad.
Dahil hindi sumipot si Dumlao, ang mga pumunta lang na akusado ay sina SPO3 Ricky Sta. Isabel, SPO4 Roy Villegas, PO2 Chirstopher Baldovino, Ramon Yalung, Jerry Omang, Gerardo Santiago at Christoper Alan Gruenberg.
Lahat ng mga akusadong dumalo ay nakasuot ng mga bulletproof vests habang ginagawa ang pagdinig.
Samantala, inatasan naman ng DOJ panel of prosecutors si Moldez na papuntahin sa susunod na pagdinig sa February 16.
Binigyan naman ng DOJ ang National Bureau of Investigation (NBI) ng limang araw para isumite ang kanilang pleadings, kabilang ang proposal na bumuo ng joint task force para imbestigahan ang pagpatay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.