Dela Rosa dismayado sa paghinto ng kanyang kampanya kontra droga
Aminado si Philippine National Police Chief Ronald “Bato” dela Rosa na maituturing na pansamantala ay nagtagumpay ang mga drug lords laban sa kampanya ng mga pulis sa ilegal na droga.
Ito ay may kaugnayan sa paghinto ng war on drugs ng PNP at pagfocus naman ngayon sa war on scalawags o pagtutok sa internal cleansing sa kanilang hanay.
Epektibo ngayong araw ay dissolve na ang lahat ng anti-narcotics units ng PNP partikular na ang PNP-Anti-Illegal Drugs Group na nasa frontline ng kampanya laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Bato, sa ngayon, pangungunahan ng PDEA o Phil Drug Enforcement Agency ang pagtugis sa mga drug lords at mga drug suspects habang nakatutok ang PNP sa paglilinis ng kanilang bakuran.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat simulan ang paglilinis sa loob ng PNP makaraang lumutang ang pagkakasangkot ng ilan sa “tokhang for ransom”.
Noong nakaraang Sabado ay nagsumite na rin ng kanyang courtesy resignation sa pangulo si dela Rosa pero hindi niya ito tinanggap.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.