Mayor at 2 pang opisyal sa Maguindanao, kinasuhan sa Sandiganbayan
Iniutos ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso sa Sandiganbayan laban sa alkalde ng Matanog, Maguindanao na si Nasser Imam at dalawa pa nitong opisyal.
Ayon sa Ombudsman, kasong paglabag sa GSIS Act ang kinakaharap ng alkalde at ng Municipal Treasurer nito na si Khaida Gampong at Municipal Accountant na si Haron Ginta dahil sa hindi pagre-remit ng GSIS premiums ng mga empleyado ng munisipyo.
Lumabas sa imbestigasyon na kahit binabawasan ang mga manggagawa ng kanilang GSIS simula January 2012 hanggang August 2012 ay hindi ito ibinabayad ng tatlo sa GSIS dahilan upang hindi makapag-loan ang mga empleyado.
Sinabi sa resolusyon ng Ombudsman na hindi maaring takasan ng tatlo ang responsibilidad dahil si Mayor Imam ang pinuno ng mga tanggapan sa kanilang bayan habang si Ginta ang nagpapasweldo sa mga empleyado at si Gampong ang may hawak ng pondo at kumukontrol sa paglalabas ng pera.
Nakasaad sa GSIS Act na ang mga pinuno ng tanggapan at personnel na may kinalaman sa collection ng premium contributions at iba pang accounts sa GSIS ay mananagot sa kabiguan ng mga itong bayaran ang remittance ng mga manggagawa./ Erwin Aguilon
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.