SA susunod na dalawang buwan, magkakaalaman na kung sino-sino ang magta-tapat sa pagkapangulo at pangalawang pangulo. Nakatuon na rin ang mga partido sa likod nila – ang Liberal Party, United Nationalist Alliance, National People’s Coalition habang nakaabang naman kung sino ang kakampihan ng LAKAS-NUCD, Nacionalista party, at PDP LABAN.
Nitong Biyernes, lumagda si Senador Grace Poe sa partial report ng Senate blue ribbon sub-committee na nag-rerekomenda ng plunder case laban kay Vice President Jejomar Binay. Senyales na talagang hindi na sila magtatambal sa darating na eleksyon.
Bago ito, bumisita naman si Binay at kanyang pamilya kay Manila Mayor Joseph Estrada. Sa mga panayam, sinabi ni Erap na bukas siya sa posibilidad na tumakbo sa mas mataas na posisyon kung kailangan ng oposisyon.
Sa kabila ng walang humpay na banat kay Binay, nakapagtatakang hindi natitinag ang kanyang rating sa mga survey. Nananatili pa rin ang 25 por-syentong “solid Binay base” at hindi nagpapatinag anomang panira ang gawin laban kay Binay. Kapag
ikinulong ito at maging “underdog” baka lalo pang manalo.
Ang kumbinasyong Binay-Erap, na pwersang subok nang malakas sa masang Pilipino, ay naniniwalang dapat nang magwakas ang tuwid na daan na naging pang-mayaman lang.
****
Patuloy naman ang panliligaw ni Interior Secretary Mar Roxas kay Grace para maging kanyang bise presidente. Ginagamit na rin niya si PNoy para kumbinsihin ang senadora, pero hanggang ngayon ay wala pa ring katiyakan.
Halos lahat ng Liberal party members ay sinisi-gurong makukuha nila ang senadora bagamat hanggang ngayon ay naninindigan naman ito na nanatili siyang “independent minded” at hindi madidiktahan.
****
Umamin na rin si Roxas na ilang beses na siyang nakipagkita kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte na matagal na niyang kaibigan. Sa pinakahuling SWS survey, tabla sa ikatlong pwesto sina Roxas at Duterte.
Di maikakaila na si Duterte ang matatawag na “spare tire” ni Roxas dahil sa “hatak” nito sa Visayas at Mindanao. Ang kanilang pagtatambal ay magbibigay din ng sigla sa LP at mga supporters nito, di nga lamang katulad kay Poe.
At kung magkakadayaan, hindi malayong gamitin ang lakas ng Mar-Digong sa buong Visayas at Mindanao sa manipulasyon ng PCOS.
Doon naman sa mga nagsasabing tatakbo si Duterte sa pagkapangulo, medyo malabo yan dahil wala siyang partido at perang pangtustos sa pambansang organisasyon at kampanya.
***
Si Poe, na bumabanat kapwa kay Binay at sa administrasyon, ay sa palagay ko’y gumagalaw papuntang NPC, ang dating partido ni Sen. Francis “Chiz” Escudero. Nagbalik-looob na rin si Chiz sa NPC matapos makipagbati kay Ambassador Danding Cojuangco, matapos magkasamaan ng loob nang lisanin ng senador ang grupo noong 2010.
Ang NPC ay may kapasidad na lumaban nang sabayan sa LP at UNA dahil may pwersang pulitikal ito bukod pa sa financial backing nina Cojuangco at Ramon Ang. Bukod dito, alam naman ng lahat na si dating Trade and Industry Minister Roberto Ongpin ay financier din ni Chiz.
Kaya ang tanong na lamang ay kung sino ang ulo? Si Chiz ba o si Grace? Siyempre sa winnability, lamang si Grace kay Chiz.
Ang tatay ni Grace na si Fernando Poe Jr. ay dati nang malapit sa NPC at sa San Miguel Beer. Pero, hindi kaya makasira kay Grace ang pagdidiin niyang lalo kay Binay na nagsilbing campaign manager ng kanyang ama noong 2004 presidential elections. At baka lumabas na wala siyang utang na loob.
Maraming mga tanong ang maglilitawan sa susu-nod na mga araw. Pero sa mga marurunong sa pulitika, ang labanang Binay-Erap, Mar-Duterte at Grace-Chiz ay kapanapanabik.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.