Petisyon ni Marcos mababalewala lang ayon sa kampo ni Robredo
Hinamon ng kampo ni Vice President Leni Robredo si dating Senador Bongbong Marcos na bawiin ang election protest laban sa nakaraang vice presidential race.
Ginawa ito ni Atty. Romulo Macalintal, election lawyer ni Robredo kung mabibigo ito na mapatunayan ang alegasyon nito na ebidensya sa dayaan sa nakalipas na eleksyon ang 13 Secured Digital (SD) cards mula sa 26 na hindi nagamit Vote Counting Machines (VCM).
Kasabay nito, hinamon rin ni Macalintal ang abogado ni Marcos na si Atty. Victor Rodriguez na ibalik nito ang kanyang lisensya bilang abogado kung hindi nito makukumpirma ang pahayag nito patungkol sa SD card.
Sa isang liham na ipinadala nito kahapon kay Atty. George Garcia na siyang election lawyer ni Marcos, sinabi ni Macalintal na hihintayin niya sina Marcos at Rodriguez sa harap ng Manila Cathedral, alas-diyes ng umaga sa Enero 31 para magpirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA).
Kaugnay nito, nangako si Macalintal na magbibitiw bilang lead lawyer ni Robredo at isauli sa Supreme Court ang kanyang lisensya kung mapapatunayan nina Marcos at Rodriguez ang kanilang bintang.
Una nang iginiit ni Macalintal na ang kinukuwestiyon na SD cards ni Marcos ay hindi decrypted at walang datos ng resulta ng eleksyon.
Hindi rin aniya ito bahagi ng election protest ni Marcos dahil ito ay mula sa 26 na VCM na hindi ginamit sa halalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.