MRT nagpatupad ng shortened operation sa kasagsagan ng rush hour
Mahigt sampung minuto na nagpatupad ng shortened operation ang Metro Rail Transit (MRT) sa kasagsagan ng rush ngayong umaga.
Sa abiso ng MRT, alas 9:05 ng umaga nang ipatupad nila ang provisional service at tanging Shaw to Taft stations at pabalik lamang ang gumagana.
Hindi muna nakabiyahe ang mga tren mula Shaw station hanggang North Avenue station at pabalik dahil sa naranasang technical problem.
Hindi naman agad tinukoy ng MRT kung ano ang partikular na problemang naranasan.
Sa kasagsagan ng pagpapatupad ng provisional service, sampung tren lamang ng MRT ang nakabiyahe.
Alas 9:18 ng umaga o makalipas ang labingtatlong minuto, nag-abiso ang MRT na naibalik na sa normal ng kanilang operasyon.
Bagaman mabilis na naibalik sa normal ang serbisyo marami nang pasahero ang naperwisyo at nagresulta ito ng mahabang pila sa mga train station, partikular sa North Avenue station.
Ang pagpapatupad ng shortened operation na ito ng MRT ay nasundan pa ng aberya matapos na magkaproblema ang isang tren sa bahagi ng Magallanes station northbound at pinababa ang mga pasahero alas 9:58 ng umaga.
Agad namang pinasakay sa kasunod na tren ang mga apektadong pasahero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.