Salaysay ng 2 pulis, ginawang batayan ng DOJ sa paglutas sa kidnap-slay case ni Jee Ick Joo
Naging susi sa paglutas ng kaso sa pagdukot at pagpatay sa Korean national na si Jee Ick Joo ang testimonya ng dalawang pulis.
Sa resolusyon ng DOJ, sina SPO4 Roy Villegas at PO2 Christopher Baldovino ay lumutang sa headquarters ng PNP Anti Kidnapping Group noong January 16, 2017 at nagpasailalim sa protective custody.
Kapwa nag-isyu ng kanilang mga sworn statement sina Villegas at Baldovino na naglalahad ng kanilang nalalaman sa kaso ni Jee.
Pareho nilang itinuro si SPO3 Ricky Sta. Isabel at ang mga kasabwat nito na siyang dumukot at pumatay sa biktima.
Ayon umano kay PO2 Baldovino, nuong October 4, 2016 ay naging bahagi siya ng surveillance operation na isinagawa ng grupo ni Sta. Isabel at SPO4 Villegas laban sa biktima.
Si Sta. Isabel umano ang nagsabi sa grupo na may bitbit siyang search warrant laban sa biktima.
Dahil sa paniwala ni Baldovino na lehitimong police operation ang ikinasa ni Sta Isabel laban sa biktima na hinihinalang sangkot sa droga, sumama siya sa operasyon.
Sa panig naman ni Villegas, inakala rin niya na lehitimo ang operasyon ni Sta Isabel kaya sumama rin siya sa operasyon.
Tinukoy pa ni Villegas na nuong October 18, 2016, ang mga respondent na alyas Pulis at Jerry ang tumangay sa biktima mula sa bahay.
Tumulong pa nga raw sila ni Sta. Isabel kina Pulis at Jerry para maisakay ang biktima sa isang itim na Ford Expedition.
Kung pagbabatayan naman ang salaysay ng kasambahay na si Marisa Morquicho, nakita niyang si Jee ay nakapwesto sa pagitan ng dalawang lalaki sa loob ng sasakyan habang siya ay nakaposas at ito ay sapat na umanong batayan, ayon sa DOJ, para sabihing ang dayuhan ay biktima ng kidnapping at serious illegal detention.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.