NAIA, may listahan ng mga ‘banned taxis’ base sa mga reklamo ng mga pasahero
Daan-daang taxi na ang banned sa pagpasok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa mga reklamo ng mga pasahero laban sa kanila.
Pangkaraniwang inirereklamo ng mga pasahero laban sa mga taxi ay ang mahal na paniningil, pangongontrata o kaya ay mga salbahe o aroganteng drivers.
Nagsimulang payagan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang pagpapapasok ng mga regular taxis sa apat na NAIA terminals para masalo ang dami ng mga dumadating na pasahero.
Gayunman, makaraan ang anim na buwan, nakapagtala na ang NAIA Terminal 1 ng halos 200 taxi at kanilang mga drivers na mga inireklamo ng mga pasahero, habang mahigit 100 na rin ang naitalang banned taxis ng Terminals 2 at 3.
Ayon kay Michael Baloso ng NAIA-1 Arrival Management Operations, oras na pumila pa rin ang mga banned na taxi, tatabuyin ang mga ito ng kanilang mga security personnel o kaya ay bibigyan ito ng traffic citation tickets ng kanilang airport police.
Nabuo aniya nila ang listahan base sa mga sumbong na nakakarating sa MIAA, kung saan nagbibigay ang mga taxi bay personnel ng dispatch slips sa mga pasahero bago sila sumakay.
Laman ng nasabing slip ang pangalan ng taxi company, driver, plate number nito, at ang oras at petsa kung kailan pinara ang taxi pati na rin ang destinasyon ng pasahero.
Nakalagay rin dito ang mga hotline numbers kung saan maaring magsumbong ang mga pasahero tungkol sa anumang uri ng pangaabuso, kabilang na ang 877-11-11 para sa MIAA o 0917-839-6242 para naman sa NAIA.
Direktang iniuulat sa Land Transportation Office (LTO) ang mga matitinding paglabag na ginagawa ng mga drivers, at maaring tumagal ang pagkaka-banned nila sa NAIA ng hanggang dalawang buwan o kaya ay permanente na depende sa kung anong paglabag ang ginawa nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.