Hinimok ni House Speaker Pantaleon Alvarez si Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa na magbitiw na sa pwesto.
Ito ayon kay Alvarez, ay upang maisalba pa si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa mga kahihiyan kasunod ng kidnap-slay sa South Korean na negosyanteng si Jee Ick Joo.
Sa kaniyang pahayag, kinastigo ni Alvarez si Bato dahil sa pagkakasangkot umano ng mga pulis sa hinihinalang “Tokhang-for-ransom” na ginawa ng mga ito kay Jee noong nakaraang Oktubre.
Ayon kay Alvarez, dapat ay agad nang mag-resign si Dela Rosa upang maibalik ang respeto sa opisina ng PNP chief sa gitna ng kontrobersya dahil sa aniya’y “meltdown of PNP discipline” na nauwi sa mga kaso ng Tokhang-for-ransom.
Giit pa ng mambabatas, ang tahasang paggawa ng mga pulis ng krimen sa ilalim ng pamamahala ni Dela Rosa ay hindi lang basta pang-iinsulto, kundi isang malinaw na indikasyon na hindi na siya inirerespeto ng kaniyang mga tauhan.
Bukod dito, sinabi pa ni Alvarez na mistulang mas interesado pa si Dela Rosa na pumasok sa showbiz dahil kung saan-saan pa ito pumupunta tulad ng pakikipag-kantahan sa videoke at pagpunta sa concerts.
Punung-puno rin aniya ang mga social media sites ng mga “booboos” o kapalpakan ni Dela Rosa, tulad ng pagtakbo nito nang parang manok, nang biglang umusok ang hawak niyang paputok.
Paano aniya paniniwalaan ng publiko ang kaniyang mga malulupit na pahayag laban sa mga kriminal, kung sa simpleng posibilidad ng kapahamakan pa lang ay tumatakbo na siya agad.
“How can we believe the stern statements Dela Rosa had been making against criminals like in the aftermath of the Davao City bombing when he was the first to run in the slightest possibility of danger?” ani Alvarez.
Dapat aniyang pagtuunan ng pansin ni Bato ang kaniyang trabaho, o kaya ay ibigay na lang niya ito sa iba na talagang seryoso sa giyera ng PNP laban sa iligal na droga, mga tiwaling opisyal at mga kriminal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.