COA inatasan si Dureza at 5 iba na isauli ang halos P1M na halaga ng allowance na ibinigay sa mga empleyado ng MEDCo
Inatasan ng Commission on Audit (COA) si Presidential Adviser on Peace Process Secretary Jesus Dureza at limang iba pa na ibalik sa pamahalaan ang ponding inilabas para sa food assistance at allowances na ibinigay sa mga empleyado noon ng Mindanao Economic Development Council (MEDCo) na ngayon ay Mindanao Development Authority (MinDA).
Sa pasya ng COA, kabuuang P996,000 ang ibinababalik kay Dureza at sa limang iba pang dating mga opisyal ng MEDCo.
Sa ilalim ng pamumuno noon ni Dureza bilang chairman ng MEDCo, nagpalabas ang ahensya ng P456,000 na halaga para sa staple food assistance at P540,000 para sa mga opisyal at empleyado mula 2001 hanggang 2004.
Gayunman, sa isinagawang audit noong 2005, sinabi ng COA na walang legal na basehan ang pagrelease ng pondo dahil hindi ito aprubado ng Office of the President at ng Department of Budget and Management (DBM).
Pinagbigyan naman ng COA ang bahagi ng inihaing petition for review ng MEDCo at hindi na isinama sa utos na refund ang allowances na tinanggap ng mga rank-and-file employees.
Maliban kay Dureza, ang iba pang mga dating opisyal ng MEDCo na nabanggit sa COA decision ay sina
Assistant Secretary Eufemia Calderon, MEDCo vice chairperson; Corazon Ginete, director of administration and finance; at Perla Pandan, administrative officer.
Sinabi ng COA na malinaw ang nakasaad sa DBM Budget Circular No. 16 na lahat ng ahensya ng pamahalaan ay hindi pwedeng magbigay ng food, rice, gift checks at iba pang kahalintulad na insentibo maliban na lamang kung aprubado ito ng Office of the President.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.