Sa loob ng Camp Crame pinatay ang Koreanong si Jee Ick Joo ayon sa resolusyon ng Department of Justice.
Nakasaad sa DOJ resolution na noong Oktubre dinukot si Jee at pinatay sa pamamagitan ng pagsakal sa loob ng headquarters ng Philippine National Police.
Ang akusadong si SPO4 Roy Villegas ang nagbigay ng detalye kung paano pinatay si Jee.
Sa kanyang affidavit, habang nasa loob ng Camp Crame ay narinig niya si SPO3 Ricky Sta. Isabel na kausap ang isang Sir Dumlao.
Narinig umano ni Villegas na sinabi ni Sta. Isabel na kilala ng kausap nito ang biktima.
Si Sta. Isabel aniya ang may dala ng packaging tape at surgical gloves at nag-utos sa kanila na takpan ang ulo ni Jee at siya ang sundin imbes na si Dumlao.
Nakita raw ni Villegas na sinakal ni Sta. Isabel ang Koreano at pagkatapos ay tinawagan ang isang alyas Ding na pumayag na kunin ang katawan kapalit ng 30,000 pesos at golf set.
Sumama umano sa operasyon si Villegas dahil ang alam niya ay isa itong legitimate police operation laban sa dayuhan na ayon kay Sta. Isabel ay sangkot sa droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.