WATCH: 6 sugatan sa magkakahiwalay na aksidente sa QC at Pasay
Nagdulot ng matinding traffic ang pag-araro ng isang sasakyan sa plant boxes sa ibabaw ng Roxas Blvd-EDSA flyover sa Pasay City.
Apat na katao ang sugatan at wasak na wasak ang harapan ng kulay asul na Toyota Avanza na may plakang ABT-7080.
Kwento ng driver na si Mark Edrian Gutierrez, papunta na sana sila sa airport para sunduin ang isa nilang kamag-anak.
Habang paakyat ng tulay, mabilis umano ang kanilang takbo, pero biglang bumagal ang andar ng sasakyang nasa kanilang harapan.
Pilit umano niyang iniwasang mabangga ang sasakyan sa kanilang harapan, pero nawalan siya ng kontrol, sumampa sa gutter at binangga ang hilera ng mga plant box.
Sa lakas ng impact, tumalsik mula sa backseat ang isa sa pasaherong si Dianne at naipit sa nayuping dashboard.
Basag ang windshield, nayupi na parang lata ang hood, tanggal rin ang bumper at isang gulong ng nasabing sasakyan.
Tumagal ng isang oras at kalahati bago naalis si Dianne mula sa pagkakaipit.
Dinala na ang mga sugatan sa San Juan de Dios Hospital upang lapatan ng lunas.
Inabot naman ng mahigit dalawang oras bago tuluyang nai-alis ang nakaharang na sasakyan sa southbound lane ng Edsa-Roxas blvd flyover.
Nagdulot ng matinding traffic parehong lanes ang nasabing aksidente sa kasagsagan ng rush hour.
Apat katao sugatan sa aksidente sa Roxas Blvd-EDSA flyover | @dzIQ990 pic.twitter.com/xs4MvyguLm
— CyrilleCupinoINQ (@CyrilleCupino) January 18, 2017
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Pasay City Traffic Bureau upang malaman kung dapat bang managot ang driver na si Gutierrez nasabing aksidente.
Samantala, dalawa ang sugatan sa dalawang magkasunod na aksidente na parehong nangyari sa U-turn slot ng southbound lane ng Quezon Avenue kanto ng Scout Chuatoco sa Quezon City.
Ayon kay P03 Paolo Torre, traffic investigator, ang unang aksidente ay nangyari sa pagitan ng isang ten-wheeler na truck at isang kulay asul na kotse na may plakang UBE 580 na minamaneho ni Jerry Ang.
Lumalabas sa imbestigasyon na pa U-turn na ang truck nang salpukin ito ng kotse ni Ang at dahil sa lakas ng pagkakasalpok nasira ang harapang bahagi ng kotse at basag ang wind shield nito sa harapan.
Nagresulta ito sa pagkakasugat ni Ang.
Isang oras lang ang lumipas pa U-turn naman ang isang bagong bagong kulay green na Toyota Vios ng salpukin ng motorsiklo ang likurang bahagi nito.
Ayon sa Quezon City Rescue, lasing ang rider ng motor na nakilala sa pangalang Christian Paolo Yadao na nagtamo sugat at bugbog sa katawan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.