SOP sa pagtrato sa mga sumusukong drug users, ipinaalala ni Bato sa mga pulis
Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa ang kaniyang mga tauhan kaugnay ng standard operating procedures (SOP) sa paghawak sa mga sumusukong drug users o pushers sa mga otoridad.
Base sa pinakahuling datos ng PNP, nasa 1,028,848 na drug personalities ang sumuko sa mga pulis at lokal na opisyal.
Ayon pa sa talaan ng PNP, 75,745 dito ay pawang mga pushers, at 953,103 naman ang mga users.
Paalala ni Dela Rosa, ang kanilang SOP ay consistent sa “declared policy of state” na naglalayong paigtingin ang mga mekanismo na tutulong sa pagbabago ng mga nabiktima ng pang-aabuso ng iligal na droga sa pamamagitan ng mga program of treatment and rehabilitation.
Kabilang pa sa mga ipinaalala ni Bato ay na hindi dapat nilalagyan ng posas ang mga sumusuko, at na dapat isailalim ang mga ito sa medical examination sa anumang government hospital.
Gayunman, ang pagsuko naman aniya ay hindi isang katiyakan na hindi na sila magiging target ng mga anti-drug operations ng pulisya sakaling bumalik sila sa kanilang iligal na gawain.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.