Valenzuela Mayor Gatchalian, inabswelto ng CA sa kaso ng Kentex fire
Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang dismissal order na inilabas ng Office of the Ombudsman laban kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian dahil sa kasong may kinalaman sa sunog sa factory sa lungsod na ikinasawi ng 74 empleyado.
Nahatulang guilty si Gatchalian sa kasong grave misconduct at gross neglect of duty dahil sa pinayagan umano niya na magpatuloy sa operasyon ang Kentex Manufacturing Corp. na pabrika ng tsinelas, kahit na wala itong fire safety permits.
Dahil sa hatol na ito ng Ombudsman, pinatawan siya ng pagkakasibak sa pwesto, pagkakatanggal ng mga benepisyo, at perpetual disqualification sa paglilingkod sa publiko.
Gayunman, umapela si Gatchalian sa CA at iginiit na trabaho ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pagbibigay ng fire safety permit, na isang rekisito para sa pagkakaroon ng business permit.
Dito ibinase ng CA ang kanilang desisyon na nagsasabing hindi nagpabaya sa kaniyang tungkulin si Gatchalian.
Hindi rin naman kasi anila tungkulin ni Gatchalian na magbigay ng business permit sa mga establisyimento tulad ng Kentex dahil iyon na ang gampanin ng mga opisyal ng Business Permits And Licensing Office (BPLO).
Si Eduardo Yco Carreon ng BPLO na anila ang nagrerekomenda ng mga aaprubahang permits, habang si BPLO-OIC Renchi May Padayao naman ang nag-aapruba nito sa ngalan ni Mayor Gatchalian.
Inapela naman ng Ombudsman ang nasabing desisyon ng CA 14th Division.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.