Warrant of arrest naisilbi na kay Kerwin Espinosa
Pormal ng naisilbi ng National Bureau of Investigation (NBI) sa self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa ang warrant of arrest na inisyu ng Leyte court laban sa kanya.
Nahaharap ngayon sa kasong murder si Kerwin dahil sa pagpatay umano sa isang Gregorio Velarde Sr. noong 2015.
Dawit din si Kerwin sa isa pang murder case pero hindi na isinapubliko ni Baybay City Regional Trial Court Branch 14 Judge Carlos Arguelles ang detalye ukol dito.
Si Arguelles ang nagpalabas ng dalawang warrant of arrest laban kay Kerwin.
Inutusan umano ni Kerwin ang mga co-accused na sina Jesus Tulin at Brian Anthony Zaldivar na patayin si Velarde matapos umanong maghain nito ng reklamo laban sa ilang trabahador ng Zellan Resort and Spa na pagmamay-ari ng Pamilya Espinosa.
Napaulat na pinagbabaril hanggang sa mamatay si Velarde habang naghihintay ito ng sasakyang bus sa isang highway sa bayan ng Albuera sa Leyte.
Si Kerwin ay kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI matapos mapabilang sa Witness Protection Program ng gobyerno kapalit ng kanyang mga nalalaman sa kalakalan ng droga sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.