Isang bata ang patay, 3 bahay inanod ng flashflood dahil sa malakas na pag-ulan sa Cebu
Patay ang isang apat na taong gulang na bata matapos na malunod sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan na nararanasan ngayon sa lalawigan ng Cebu.
Inanod ang bata at tuluyang nalunod bunsod ng pagtaas ng tubig baha sa Barangay Patag sa Naga City.
Samantala, sa Barangay Talamban, Cebu City, tatlong bahay na pawang gawa sa light materials ang inanod din ng tubig baha.
Ayon kay Cebu City Councilor Dave Tumulak, nagawa namang makalabas ng kanilang tahanan ng mga nakatira sa nasabing mga bahay bago anurin ang mga ito.
Sa mga bayan at lungsod sa Cebu, marami nang lugar ang nakararanas ng pagtaas ng tubig baha.
Sa bayan ng Consolacion sa Cebu, umapaw na ang Cansaga River dahilan para bahain ang Barangay Cansaga.
Agad rumesponde ang mga truck ng bumbero at dumptruck ng lokal na pamahalaan para sagipin ang mga residenteng naipit sa kanilang mga tahanan dahil sa pagtaas ng tubig baha.
Apektado na rin ng pag-apaw ng Butuanon River ang mga residente sa Barangay Paknaan at Barangay Tabok sa Mandaue City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.