Pag-pigil sa China na makalapit sa artifical islands, desisyon na ng US ayon sa DFA
Sariling desisyon na ng Estados Unidos kung itutuloy nila ang pagpigil sa China na makalapit sa mga itinayo nilang artifical islands sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Ito ang reaksyon ni Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay Jr. sa pahayag ni incoming US Secretary of State Rex Tillerson na dapat hindi payagan ang China na makalapit sa kanilang mga artificial islands.
Pinalagan naman ito ng Communist Party ng China, at nag-bantang posibleng mauwi sa hindi magandang komprontasyon kung itutuloy ito ng Amerika.
Ayon kay Yasay, prerogative na ito ng Amerika depende sa interes ng kanilang bansa, kaya dapat ay hayaan na lamang ang mga ito na gawin kung ano ang kanilang gustong gawin.
Samantala, ayon naman kay Presidential Communications Sec. Martin Andanar, ang mga naging pahayag ni Tillerson sa kaniyang confirmation hearing sa harap ng mga senador ng US, ay kaniyang sariling paniniwala at na dapat ito ay igalang.
Sa ngayon ay mas mabuti aniya na hintayin at alamin kung ano ang talagang magiging mga polisiya ng papasok na administrasyon ng Amerika.
Ang mahalaga lang aniya ay dapat manatili ang magkabilang panig na panatilihin ang peace and stability sa nasabing rehiyon, at na iwasan ang anumang hakbang na makakasira sa freedom of navigation and overflights sa South China Sea.
Kamakailan ay sinabi ni Tillerson sa harap ng US senators na dapat ihinto na ng China ang pagtatayo ng mga isla sa South China Sea, at na dapat alisan ang mga ito ng access sa mga nasabing isla.
Hindi naman na idinetalye pa ni Tillerson kung paano gagawin ang nasabing hakbang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.