Hinostage ng isang aktibong miyembro ng Philippine Army ang isang pampasaherong bus sa bayan ng Del Gallego sa Camarines Norte.
Ayon kay Regional Director Victor Diona ng Region 5 Police Office, hinostage ng suspek na nakilalang si Army Corporal Rene Prajele na sinasabing may personal na problema sa pamilya kaya nagawa ang pangho-hostage.
Ang Penafrancia Tours Bus na may lulang 30 pasahero ay galing sa Naga City at patungong Maynila ng mang-hostage si Prajele. Naka-full battle gear pa si Prajele na nakatalaga sa 31st Infantry Battalion at armado M-16 riffle at granada.
Agad na bumuo ng Crisis Management Team si Del Gallego Mayor Lydia Abarientos. Mismong ang Brigade Commander din ni Prajele ang nakipag-usap sa kaniya sa pamamagitan ng telepono.
Makalipas ang apat na oras na negosasyon, napasuko rin ng mga negosyador si Prajele. Ligtas din ang lahat ng tatlumpung pasahero ng bus.
Batay sa report, umalis si Prajele sa 31IB headquarters sa Sorsogon Biyernes ng umaga nang naka full Army uniform patungo sa Sorsogon city bus terminal. Sumakay umano ito sa Bobis liner bus patungo ng Maynila.
Pagsapit sa bahagi ng bayan ng Libmanan at Pasacao sa Camarines Sur, bumaba si ng bus si Prajele at lumipat sa Penafrancia Tour bus.
Sa Barangay Comadaycaday sa bayan ng Del Gallego naharang ng joint Army-Police checkpoint ang bus at doon na nagsimula ang negosasyon sa pangunguna ng crisis team na binuo ni Army Col. Amador Tabuga Jr., Commander ng 31IB at ni Mayor Barientos./ Jan Escosio
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.