Duterte sa mga mayor na dawit sa droga: ‘Magsisi, mag-resign o mamatay’
Magsisi, mag-resign o mamatay.
Ito ang naging mensahe umano ni Pangulong Rodrigo Duterte nang kanyang pulungin ang mga alkalde ng iba’t ibang mga lungsod at bayan na kanyang ipinatawag kahapon.
Kahapon, humarap si Pangulong Duterte sa mga alkalde at ‘by region’ na inilatag nito ang kanyang plano upang tuluyang supilin ang droga sa bansa.
Ayon sa ilang mga dumalo sa naturang pagpupulong, inilabas rin ng pangulo ang hawak nitong ‘narcolist’ o listahan ng mga opisyal na sangkot umano sa iligal na droga.
Ilan pang alkalde ang nagsabing, tulad ng normal nitong nakagawian, puno ng mura at banta ang naging pahayag ng pangulo.
Sa isang text message, sinabi ni Mayor Krisel Lagman Luistro ng Tabaco City, Albay na binalaan rin silang mga alkalde ng pangulo na dapat nang mahinto ang droga sa kani-kanilang nasasakupan at kung hindi ay mahaharap ang mga sangkot sa kaparusahan.
Ilan pang source ng Inquirer ang nagsabing hindi sila pinahintulutang magdala ng kanilang mga cellphone sa loob habang isinasagawa ang meeting.
Samantala sa isa namang ‘batch’ ng mga alkalde mula sa Visayas, sinabi pa umano ni Duterte na kanya nang inatasan ang mga hepe ng pulisya na barilin ang mga alkalde na sangkot sa illegal drugs at bibigyan pa umano nito ng proteksyon ang mga pulis.
Ayon kay Mayor Therese Sitoy-Cho ng bayan ng Cordova, Cebu, kinakailangan nilang sumunod sa direktiba ng pangulo at kung hindi, may posibilidad na maisama sila sa listahan.
Nagbanta rin aniya ang pangulo na sisilipin ang pinagkagastusan ng intelligence fund ng mga alkalde at umaasang malilipol ang droga sa loob ng isang taon sa kani-kanilang nasasakupan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.