Makalipas ang dalawampu’t dalawang oras, nakabalik na sa kanyang tahanan ang Itim na Poong Nazareno sa Basilica Minore o Quiapo church.
Dakong alas 3:30 ng madaling-araw, naipasok na ang imahe ng Nazareno sa loob ng Quiapo church, na sinamahan ng milyun-milyong deboto sa kanyang paglalakbay mula Quirino Grandstand hanggang sa naturang simbahan.
Nagsimula ang paglalakbay ng Itim na Nazareno dakong alas 5:30 ng umaga kahapon nang isakay ito sa kanyang andas at naglibot sa ilang lugar sa Maynila sa maghapon.
Bagama’t nasa 3 kilometro lamang ang distansya ng Luneta hanggang Quiapo church, umabot ng 22 oras ang ‘Traslacion’ o isang oras na mas matagal kumpara noong nakaraang taon.
Sa kasagsagan ng ‘Traslacion’ nasa mahigit isanlibong deboto ang ginamot matapos makaranas ng pagkahilo, iba’t-ibang sugat sa paa at pagkawala ng malay.
Sa kabutihang palad, wala namang napaulat na nagbuwis ng buhay ngayong taong ito kumpara sa dalawang nasawi noong nakaraang taon.
Sa pinakahuling ulat, wala ring ‘untoward incident’ na naitala ang PNP sa kasagsagan ng ‘Traslacion’.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.