Pulis na sangkot umano sa pangingidnap sa isang Korean, hawak na ng PNP
Isinailalim na sa restrictive custody ang hindi pinangalanang pulis na itinuturong sangkot sa kidnapping sa isang Korean sa Angeles City, Pampanga.
Ayon kay Chief PNP Ronald dela Rosa, restricted at naka-kustodiya sa Kampo Crame ang pulis na mula sa PNP-Anti Illegal Drugs Group at nasampahan na rin ito ng kaso.
Paliwanag ni Dela Rosa, naganap umano ang insidente noong Oktubre kung saan dinukot ang biktimang nakilalang si Jee Ick-joo, 53 taong gulang, isang negosyante.
Humingi ng ransom ang mga suspek pero sa kabila nang pagbibigay ng 5 milyong piso ng misis ng biktima ay hindi pa rin ito pinalalaya ng mga kidnappers hanggang sa ngayon.
Tumanggi si Bato na pangalanan ang pulis na isa umanong SPO3 dahil na rin sa kahilingan ng asawa ng biktima dahil baka umano patayin ang asawa kapag inilabas ang pangalan ng pulis na suspek
Sa kabila nito, umaasa pa rin umano si Bato na mailigtas ng buhay ang biktima habang nagpapatuloy naman umano ang PNP para matunton ang 3 pang mga kasamahan ng pulis.
Sa report, dalawang lalake ang pumasok sa bahay ng biktima noong Oct 18, 2016 at nagpakilalang pulis, hinalughog umano ang kabuuan ng bahay at saka sapilitan binitbit ang biktimang Korean sa sasakyan na napag-alaman nakarehistro sa asawa ng suspek na pulis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.