PNP, ipagbabawal ang pagdadala ng backpack, jacket at sumbrero sa Traslacion
Mahigpit na ipagbabawal ng Philippine National Police sa mga lalahok sa Traslacion ang pagdadala ng backpack at pagsusuot ng sumbrero at jacket.
Ayon kay PNP chief Director Gen. Ronald Dela Rosa, sakaling makakita ang mga pulis ng may dalang backpack o may suot na sumbrero at jacket ay agad nila ito sisitahin at kukumpiskahin.
Hindi na aniya dapat magdala ng bag sa pagdalo sa Traslacion dahil maaaring mawala lang din ito sa dami ng taong makikiisa sa aktibidad.
Pinayuhan din ng PNP ang publiko na huwag nang magdala ng mga importanteng gamit at malaking pera para maiwasan na madukutan o mawalan.
Hindi aniya maiiwasan ang ganitong pangyayari dahil sasamantalahin ng mga kawatan ang aktibidad na inaasahang dadaluhan ng milyun-milyong deboto.
Pero tiniyak ng Pambansang Pulisya na masusing magbabantay ang libo-libong mga pulis na ipapakalat sa Maynila lalo na sa posibleng banta ng terorismo.
Sinabi din ni Dela Rosa na bagaman walang direktang banta sa Traslacion, hindi nila inaalis ang posibilidad na maaaring magsagawa ng retaliatory attack ang Ansar Khilafa Philippines matapos mapatay ang kanilang lider at maaresto ang tatlo pa sa kanilang miyembro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.