Kampo ni dating PNoy sa kaso laban sa kaniya: “Ang pumatol sa baliw, mas baliw”
Naniniwala ang kampo ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa kasabihan na kung sino ang papatol sa baliw, ay maituturing na mas baliw.
Ito ay may kaugnayan sa kasong isinampa laban kay Aquino at sa anim na iba pang mga kasalukuyan at dating opisyal ng gobyerno kaugnay umano sa pag-transfer ng bilyong dolyar na halaga ng gold bars sa isang kumpanyang naka-base sa Thailand.
Ayon sa kaniyang tagapagsalita na si Atty. Abigail Valte, walang katotohanan ang mga pinagbasehan ng kasong plunder at graft na isinampa laban kay Aquino, na nag-ugat sa isang pekeng memorandum circular ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na kumalat sa Facebook.
Paano aniya sasagutin ng isang tao ang isang reklamo na pawang kasinungalingan lamang, at hindi na aniya nakapagtataka ito dahil galing naman ito sa isang fake news site.
Ipinunto pa ni Valte na wala namang “Department of Nutrition and Local Government,” tulad ng nakasaad sa nasabing reklamo, na tumutukoy kay dating Interior Sec. Mar Roxas.
Tinukoy naman sa nasabing reklamo si Sen. Leila de Lima, bilang dating Finance Secretary noong Aquino administration.
Mali-mali rin aniya ang mga sinasabing batas na nilabag ng mga inaakusahan base sa reklamo, partikular ang RA 7655 na tungkol sa pagtaas sa minimum wage ng mga kasambahay at walang kinalaman sa sinasabing krimen.
Umaasa si Valte na hindi na pasagutin ang dating pangulo sa reklamong ito dahil ipinapaalala lamang nito sa kanila ang kasabihan na “ang pumatol sa baliw, mas baliw.”
Kabilang naman sa iba pang mga kinasuhan bukod kina Aquino at Roxas ay sina Sen. Franklin Drilon, Sen. Leila de Lima, dating Finance Sec. Cesar Purisima, BSP Gov. Amado Tetangco Jr. at Treasury Department Chief Dealer Lorelei Fernandez.
Una na ring binigyang linaw ng BSP na hindi tunay ang nasabing memorandum circular na pinagbabasehan ng naturang kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.