Magsisilbing surrogate mothers sa mga dayuhang kliyente, arestado sa NAIA
Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na babae na umamin na sila ay magtutungo sa ibang bansa para magsilbing surrogate mothers sa mga dayuhang kliyente, kapalit ang malaking halaga.
Kasama ring nadakip ang isang babae na kanilang recruiter habang sila ay papasakay ng eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ang apat na babae ay patungong Bangkong at mula doon, sila ay magtutungo naman sa Phnom Penh, Cambodia kung saan nila kikitain ang mga dayuhan na magiging ama ng ipagbubuntis nilang sanggol.
German, Nigerian, Australian, at Chinese ang mga dayuhan kliyente ng apat na babae.
Ayon pa sa apat, mayroon pang panibagong batch ng mga Pinay na nakatakda ring umalis patungong Thailand at Cambodia.
Dahil dito, inatasan ni Morente ang mga inspector ng BI na masusing bantayan ang mga paalis patungo sa dalawang bansa.
Nabatid ng BI na ang bawat babaeng pumapayag maging surrogate mother ay pinapangakuan ng 8,700 US dollars na bayad, 200 US dollars dito ay ibabayad sa unang pag-inject ng sperm ng dayuhan, at dagdag na 500 US dollars kapag may heartbeat na ang bata sa sinapupunan.
Ang natitirang kabayaran ay ibibigay ng installment sa kasagsagan ng pagbubuntis ng babae hanggang sa maisilang ang sanggol at maibigay sa ama.
Ani Morente, bagong modus operandi ito ng human trafficking syndicate na nambibiktima sa mga mahihirap na Pinay na nangangailangan ng pera.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.