Pamamahala sa AMLC ipinapaalis ni CGMA sa BSP
Isang panukalang batas ang inihain ni dating Pangulo at ngayo’y House Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo na nagtatanggal sa kapangyarihan ng gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP na pangasiwaan ang anumang criminal investigation na ginagawa ng Anti-Money Laundering Council o AMLC.
Bagama’t maganda aniya ang trabaho ng BSP sa monetary system, sinabi ni Arroyo na ang career technocrats katulad BSP Governor Amado Tetangco ay walang ‘temperament and training’ para pangasiwaan ang criminal probes ng AMLC.
Sa House Bill 781, pinaaamyendahan ang Section 128 ng Central Bank Act upang alisin na sa BSP governor ang pamamahala sa anumang operasyon ng AMLC, pero maaari pa rin siyang maitalaga bilang council member.
Ito’y may layon din na makadistansya ang BSP governor at iba pang mga opisyal mula sa pulitika.
Ayon sa Pampanga Congresswoman, ang AMLC na ang mayorya ng mga opisyal ay itinalaga ng nakalipas na administrasyon ay maaaring nagagamit sa selective justice.
Matatandaan na noong nakaraang administrasyon, nalantad ang umano’y secret bank account ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero ngayon, mistulang hinaharanang ang pagsasapubliko ng bank deposits ng ilang kilalang Liberal Party members na nadadawit sa katiwalian dahil sa posibleng utang na loob sa nagtalaga sa kanila noon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.