18 crew, nananatiling nawawala sa lumubog na barko sa Batangas City
Matapos ang apat na araw na search and rescue operations ng Philippine Coast Guard, aabot sa labing walong crew ng M/V Starlite Atlantic ang nananatiling nawawala matapos itong lumubog nang tumama ang Bagyong Nina sa Batangas City.
Sa pinakahuling tala, 1 patay habang labing apat na katao naman ang nasagip ayon kay PCG Batangas station head Commander Raul Belesario.
Ayon pa sa PCG commander, umabot na ang operasyon sa Quezon province kung saan 11 umano sa mga nawawala ay mga on-the-job trainees.
Aniya pa, sinabi ng Starlite Ferries company na parte nang pagdadaanan ng mga crew ang pagsasanay sa barko upang makatapos sa kanilang apat na taong kurso.
Inabisuhan na rin aniya ang Coast Guard districts na magsagawa ng aerial search sa naturang lugar.
Maliban dito, naglabas na rin ng paalala sa mga marino na maging alerto sakaling madaanan ang bisinidad ng lumubog na barko.
Samantala, sinabi naman ni Commodore Joel Garcia, officer-in-charge ng PCG, hindi nito inaalis ang posibilidad na maaaring na-trap ang mga nawawalang crew sa loob mismo ng lumubog na barko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.