Dating Maguindanao Rep. Simeon Datumanong at 7 iba pa, pinakakasuhan ng Ombudsman kaugnay sa PDAF scam
Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong graft laban kay dating Maguindanao Rep. Simeon Datumanong.
Dalawang bilang ng kasong paglabag sa section 3(e) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang ipinasasampa laban kay Datumanong.
Kabilang din sa pinasasampahan ng kaso ang mga dating opisyal ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) na kinabibilangan ni dating Commissioner Mehol Sadain, Fedelina Aldanese, Aurora Aragon-Mabang, Olga Galido, Queenie Rodriguez, Galay Makalinggan at si Gracita Cecilia Mascenon na mula sa Maharlika Lipi Foundation, Inc. (MLFI).
Si Sadain ay nauna nang kinasuhan, kasama si Senador Gregorio Honasan, kaugnay sa maanomalya umanong paggamit ng P30 million PDAF.
Sa malalimang imbestigasyon ng Ombudsman, nabuko na noong May 2012 ay naglabas ang Department of Budget and Management ng Special Allotment Release Order o SARO na aabot ng P3.8 million, pabor sa NCMF.
Laan saan ang pondo sa livelihood programs gaya ng soap making, candle making at meat processing para sa mga munisipalidad ng Mamasapano, Ampatuan at Datu Abdullah Sanki.
Hiniling ni Datumanong na ang NGO-partner na MLFI ang mangasiwa ng P3.8 million, pero sa audit ng COA, kwestiyonable ang pagkakapili sa NGO dahil walang public bidding.
Subalit depensa ni Datumanong, dapat hintayin muna raw ang pinal na determinasyon ng COA kung mismanaged ba ang naturang pondo, sabay sabi pa ng dating mambabatas na pineke ang kanyang pirma.
Sa kabila nito, sa pasya ni Ombudsman Conchita Carpio Morales, nakitaan niya ng rason upang ituloy ang pagsisiyasat laban kay Datumanong at iba pang respondents.
Punto pa ni Morales, sa ilalim ng Pork Barrel system noon, ang mambabatas ang may kontrol at kustodiya sa PDAF nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.