P206-M karagdagang relief goods, inilabas na ng DSWD
Naglabas na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng karagdagang relief goods na nagkakahalaga ng P206 million para sa 27 local government units (LGUs) na naapektuhan ng bagyong Nina.
Ayon kay Social Welfare Sec. Judy Taguiwalo, nagpapamigay na ang kaniyang kagawaran ng mga relief supplies para sa mga LGUs upang matiyak na may sapat silang mga supplies para sa mga naapektuhang pamilya.
Panawagan ni Taguiwalo sa mga apektadong pamilya, maari na silang tumungo sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan dahil naibigay na ang mga ito sa kanila.
Kabilang sa mga additional supplies na ipamimigay ng DSWD ay 580,857 na family food packs, 2,459 ready-to-eat meals, 1,585 malong, 855 na kulambo, 885 na mga kumot at 585 hygiene kits.
Naghanda na rin ang DSWD ng nasa P8 milyong halaga ng relief goods sa 25 LGUs sa Bicol.
Sa ngayon ay patuloy ang pagre-repack ng mga tauhan ng DSWD sa at mga volunteers sa kanilang national warehouse sa Pasay City.
Ayon pa sa DSWD, tumatanggap sila ng mga in-kind donations tulad ng mga de latang pagkain, ready-to-eat na pagkain, bottled water, hindi pa nagagamit na mga damit, toiletries, kumot, mga di pa nagagamit na kubyertos, kulambo, solar lamps at maging mga laruan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.