Pagpapalaya kay Rolito Go, iniutos ng Korte Suprema
Iniutos na ng Korte Suprema ang pagpapalaya sa murder convict na si Rolito Go.
Ito ay base sa ipinalabas na Order of Release ng SC third division na pirmado ni Division Clerk of Court Wilfredo Lapitan.
Nakasaad sa kautusan ang dispositive portion sa November 28, 2016 resolution ng SC third division na nagsasabing immediately executory ang pagpapalaya kay Go, maliban na lamang kung siya ay nakakulong dahil sa iba pang kaso.
Partikular na inaatasan ng SC ang Bureau of Corrections dahil si Go ay nakakulong sa National Bilibid Prison at bumuno ng sentensya sa hatol sa kanya na reclusion perpetua sa kasong murder noong November 4, 1993.
Sa November 28 ruling ng SC, ibinasura ang petisyon ni Dating BuCor Chief Rainier Cruz na kumuwestiyon sa pagpabor ng Muntinlupa RTC sa kanyang inihaing petition for the writ of habeas corpus.
Ang habeas corpus petition ni Go ay nag-ugat sa kanyang paniwala na ang kanyang sentensya ay natapos na noon pang August 21, 2013.
Ito ay kung ibabawas umano ang naipon niyang allowances para sa good conduct at kanyang pagiging colonist status na iginawad sa kanya ng NBP Classification Board noon pang July 30, 2008.
Ayon sa SC, tama ang naging desisyon ng Muntinlupa RTC.
Bagaman ang Presidente lamang umano ang may kapangyarihan na mag-commute ng sentensya ng isang bilanggo, may kapangyarihan naman ang Director of Prisons na mag-apruba ng good conduct allowance salig sa Article 97 ng Revised Penal Code.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.