2 opisyal ng BI, iimbestigahan rin ng Ombudsman
Hindi hamak na mas makabubuti kung ang Office of the Ombudsman ang magsagawa ng imbestigasyon laban sa dalawang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na umano’y tumanggap ng suhol mula sa casino tycoon na si Jack Lam.
Ayon mismo kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, mas maayos kung sila ang gagawa nito kumpara sa Department of Justice (DOJ).
Inatasan na aniya niya ang kaniyang mga tauhan na silipin ang kaso at alamin kung maari silang magsagawa ng motu proprio o kusang imbestigasyon tungkol dito.
Gayunman, ipinunto rin ni Morales na pinaiiral lamang ng DOJ ang supervision at control sa mga nasabing opisyal dahil sila ay kabilang sa attached agency nito.
Dahil dito, inatasan na lang niya ang kaniyang mga imbestigador na magsagawa na lamang ng imbestigasyon na “parallel” sa ipinag-utos ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II.
Matatandaang akusado ngayon sina Associate Immigration Commissioners Michael Robles at Al Argosino sa umano’y pangingikil ng P50 milyon mula sa casino tycoon na si Jack Lam.
Kapalit umano ito ng pagpapalaya ng 1,316 na illegally employed na Chinese nationals na naaresto sa Clark, Pampanga noong nakaraang buwan.
Inamin naman ng dalawa na tumanggap sila ng P48 milyon, ngunit iginiit nila na layon nilang itago ito upang gamiting ebidensya ng katiwalian sa hinaharap laban sa mga opisyal ng pamahalaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.