Pinuno ng LTFRB-NCR, 43 iba pa, ipinatapon sa Mindanao
Matapos madiskubre ang talamak na katiwalian at iregularidad, ipinag-utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapatapon sa Mindanao sa 44 nilang mga opisyal at tauhan.
Kabilang sa inilipat sa Mindanao si LTFRB-Metro Manila Director Rodolfo Jaucian, habang ang 43 iba pa ay mula sa iba’t ibang regional offices ng ahensya.
Ayon kay LTFRB chairman Martin Delgra, sa isinagawa kasi nilang imbestigasyon, natuklasan nila ang pagkakaroon ng “ghost database” at iba pang anumalya gaya ng korapsyon sa LTFRB-NCR.
Sa pamamagitan ng ghost database, nakapagre-release ng prangkisa sa kabilang ng umiiral na moratorium.
Sa isinagawa ring inspeksyon sa tanggapan ng LTFRB-NCR may mga dokumentong natuklasan na itinatago sa pantry sa halip na dapat ay sa records section nakatago ang mga ito.
Ani Delgra, maaring may kinalaman sa mga hindi otorisadong transaksyon ang mga dokumentong nasa pantry.
Paliwanag ni LTFRB Board Member Aileen Lizada, nagsimula silang magpadala ng audit team sa LTFRB-NCR noong Agosto 24.
Doon aniya natuklasan na bagaman may moratorium sa pag-iisyu ng prangkisa sa ilang public utility vehicles simula noong 2003 ay may mga prangkisa pa rin na ipinagkaloob ang LTFRB Regional Offices kabilang na ang NCR.
May nadiskubre din silang dalawang laptop na ginagamit ng isang Graciel Amacio na secretary ni Jaucian at doon ay nalaman nila ang mga kahina-hinalang transaksiyon.
Batay din sa kanilang pagtatanong kay Amacio ay inamin nito na mismong si Jaucian ang nag-utos na kanya na ilagay sa records sa laptop ang mga kahina-hinalang entry.
Maliban sa mga inilipat ng pwesto, nagbitiw naman ang iba pang opisyal kabilang sina Atty. Melchor Fronda, ang hearing officer ng NCR; Transportation Development Officer 2 Jean Gunda; Administrative Officer 1 Mary Jane Manehero at si Amacio.
Inamin naman ni Lizada na ang talamak na iregularidad na mga transaksiyon sa LTFRB ay nangyayari sa halos lahat na Regional Offices nila.
Ito aniya ang dahilan ng paglilipat sa pwesto sa mahigit 40 na mga opisyales ng LTFRB sa buong bansa habang sila ay sumasailalim sa imbestigasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.