Hepe ng Albuera police, inilipat na sa Ozamiz City
Tinanggal na si Chief Insp. Jovie Espenido bilang hepe ng pulis sa bayan ng Albuera, Leyte, at inilipat sa Ozamiz City.
Nangyari ang pag-destino kay Espenido sa ibang lugar isang buwan matapos siyang akusahan ni self-confessed drug lord Kerwin Espinosa, na siyang nagpakilala sa kaniya kay Sen. Leila de Lima.
Nagsimula ang bisa ng pagkakatalaga kay Espenido sa Ozamiz City, Misamis Occidental sa Northern Mindanao noon pang December 8.
Ayon kay Espenido, hindi niya matukoy kung ito ba ay isang gantimpala o parusa, matapos ang lahat ng kaniyang nagawa sa Albuera.
Bagaman walang ideya si Espenido kung bakit siya na-relieve bilang hepe ng Albuera police, bilang isang police officer ay sinabi niyang susundin lang niya kung ano ang iuutos sa kaniya.
Mismong si Philippine National Police (PNP) Director Gen. Ronald dela Rosa naman ang pumirma sa paglilipat kay Espenido.
Ani pa Espenido, natanggap niya ang kautusan noong December 6, at na balak niya pang makipagkita kay Police Regional Office-Eastern Visayas (PRO-8) Chief Supt. Elmber Beltejar ngayong araw bago siya mag-report sa bago niyang assignment.
Hindi aniya niya alam kung ano ang kaniyang magiging misyon sa Ozamiz City, pero nasasabik na rin siya sa kung ano man ito.
Hinihinala naman ni Espenido na may ilang mga puitiko ang nasa likod ng pagpapalipat sa kaniya ng opisina.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.