2 bata patay, mga kapatid sugatan sa pagsabog sa Basilan
Patay ang dalawang bata, habang sugatan naman ang kanilang dalawa pang kapatid matapos ang isang pagsabog na naganap malapit sa kanilang tahanan sa bayan ng Al Barka, Basilan.
Naglalaro lamang ang mga batang kinilalang sina Hamudi Anali, 6 taong gulang at nakababata niyang kapatid na si Alkudzri, 5 taong gulang, sa labas ng kanilang bahay sa Barangay Bohe Piang nang mangyari ang insidente.
Nasa loob naman ng kanilang kubo noon ang kanilang kuya na si Almudzri, 14-anyos, habang gumagawa ng mga gawaing bahay, habang nasa duyan naman ang 3 taong gulang nilang kapatid na si Albandal.
Ayon kay Almudzri, naririnig niya pang nagtatawanan ang dalawang nakababatang kapatid na naglalaro sa labas nang bigla siyang makarinig ng malakas na pagsabog.
Ilang sandali ang nakalipas ay nakaramdam siya ng kirot sa kaniyang likuran at nadiskubreng siya pala ay sugatan, habang nakita niya ring duguan ang kaniyang kapatid na nasa duyan habang umiiyak sa sakit.
Sa labas ng kanilang tahanan, nakita niya ang dalawa niyang kapatid na sabog ang ulo at labas ang mga laman loob habang nakahandusay sa lupa.
Ayon sa kanilang ama na si Ibnusalam Anali, tinamaan ang kaniyang mga anak ng mortar mula sa mga militar sa Sitio Bohe Beggang.
Bagaman hindi niya nasaksihan ang pangyayari, nakatitiyak si Anali na mga militar ang may gawa nito dahil sila lang aniya ang may kakayanang gawin ito.
Panay aniya ang pagpapasabog ng mga militar sa nasabing lugar at sila rin lang aniya ang mayroong mortar.
Gayunman ayon naman sa kapitan ng Brgy. Bohe Piang na si Abdulnaris
Jakliran, itinanggi ng mga militar ang umano’y pambobomba.
Aniya, kinubkob ng mga militar ang Sitio Bohe Beggang noong nakaraang buwan habang tinutugis nila ang mga Abu Sayyaf, at posibleng may naiwan silang mortar shell doon.
Giit naman 104th Army Brigade commander at Jpint Task Force Basilan head Col. Thomas Cirilo Donato, isang improvised explosive device ang naka-disgrasya sa mga bata at hindi isang mortar shell.
Wala pa namang komento ang Western Mindanao Command tungkol dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.